Thursday, June 6, 2019

Ang tunay na Kristiyano

Ang tunay na Cristiano (Alagad ni Cristo)








May maliwanag na mga palatandaang mababasa sa Biblia upang makilal kung sino ang mga tunay na alagad ni Cristo.



Ang mapabilang sa mga alagad ng ating Panginoong Jesucristo ay napakahalaga sapagkat sa kanila nakalaan ang walang hanggang kaligayahan sa tahanang inihanda ng Panginoon sa langit. Dahil dito, mahalagang suriin natin kung papaano tayo mapabilang sa mga kinikilala ni Cristo na Kaniyang tunay na mga alagad. Ganito ang pahayag ng ating Panginoon:



Mateo 28:19
" Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. "



Ibig ng Panginoong Jesus na, hangga't maaari, ang lahat ay maging kaniyang mga alagad. At alinsunod sa paraang itinuro Niya, kinakailangan na ang tao ay mabautismuhan upang siya ay kilalanin ni Cristo na Kaniyang tunay na alagad.




ANG DAPAT BAUTISMUHAN




Sino ang dapat bautismuhan? Ganito ang pahayag ng ating Panginoon :



Marcos 16:15-16
" At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal.
Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan
". 





Ang pinangaralan ng ebanghelyo na sumampalataya ang dapat na mabautismuhan. Subalit hindi kahit sinong diumano'y nangangaral ng ebanghelyo ay dapat nang pakinggan. Itinuro ni Apostol Pablo na ang pangangaral na dapat pakinggan at sampalatayanan ay ang pangangaral ng may karapatang mangaral ng ebanghelyo, samakatuwid baga'y ang sinugo ng Diyos (Roma 10:15), upang kung siya ay mabautismuhan ay mapabilang siya sa mga tunay na alagad ng ating Panginoong Jesucristo.

Papaano makikilala ang tunay na sumampalataya at nabautismuhan? Ganito ang itinuturo ni Apostol Pablo:



"Tayong lahat, maging Judio o Griego,alipin man o malaya, ay binautismuhan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. . ."
I Corinto 12:13 MBB




Malinaw sa pagtuturo ni Apostol Pablo na ang lahat ng tumanggap ng tunay na bautismo, anuman ang lahi o kalagayan,ay nagiging isang katawan. Ang katawan na tinutukoy ay walang iba kundi ang Iglesia (Col. 1:18). Dito idinaragdag ang mga tunay na sumampalataya at nabautismuhan (Gawa 2:41,47). Ang Iglesia na katawan ni Cristo ay tinatawag ng Biblia na Iglesia Ni Cristo:





"Magbatian kayo ng banal na halik. Lahat ng iglesya ni Cristo ay bumabati sa inyo " (Roma 16:16, NPV)




Samakatuwid, ang kinikilala ni Cristo na mga tunay na alagad Niya ay nasa Iglesia ni Cristo.



TINAWAG NA CRISTIANO




Noong unang Siglo, nang dumami ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo at makarating sa Antioquia, sinimulan silang tawaging Cristiano:




Gawa 11:26
" At nang siya'y kaniyang masumpungan ay kaniyang dinala siya sa Antioquia. At nangyari, na sa buong isang taon sila'y nakisama sa iglesia, at nagsipagturo sa maraming tao; at ang mga alagad ay pinasimulang tawaging mga Cristiano, sa Antioquia. "



Ang katawagang "CRISTIANO" ay mula sa pangalang "CRISTO" at tumutukoy sa mga tagasunod o alagad ni Cristo. Batay rito, ang di kaanib sa Iglesia Ni Cristo ay hindi tunay na Cristiano. Sinasang-ayunan ito maging ng mga kinikilalang AMA ng Iglesia Katolika.


Si Cipriano, Obispo ng Cartago, ay nagpapahayag ng ganito :


"Whoever he is and what ever he is he who is not in the Church of Christ is not a Christian "


sa Filipino :



" Sinuman siya at nasaan man siya, siya na wala sa Iglesia ni Cristo ay hindi Isang Cristiano " 

Anne Fremantle, ed. The Papal Encyclicals. New York, USA: Mentor Books, 1956, p.39]



Si Agustin ay nagpahayag naman ng ganito :


"I will not believe it, nor will i reckon you among Christians, unless I see you in the Church of Christ. "


sa Filipino:


" Hindi ko paniniwalaan ito, ni hindi kita ibibilang na Cristiano, malibang makita kita sa Iglesia Ni Cristo. "
[The Confessions of St. Augustine, Translated by John K. Ryan. New York, USA: Image Books, 1960, p. 184]



Ayon na rin sa mga teologong Katolikong ito, ang tunay na alagad ni Cristo ay ang nasa Iglesia Ni Cristo.



SUMUSUNOD SA MGA ARAL NI CRISTO



Tangi rito, papaano pa makikilala ang ibinibilang ni Cristo na Kaniyang mga tunay na alagad? Ganito ang ating mababasa sa Biblia :



"Sinabi naman ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kaniya. 'Kung patuloy kayong susunod sa aking aral, tunay ngang kayo'y mga alagad Ko'. " ( Juan 8:31, MB)




Ang kinikilala ni Cristo na tunay na alagad Niya ay ang sumusunod sa Kaniyang mga aral. Kung gayon, ang hindi sumusunod sa mga aral ni Cristo ay hindi tunay na alagad Niya. Ano ang aral ni Cristo na dapat sundin at paniwalaan? Ang aral ni Jesus:



Juan 10:9
" Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya'y maliligtas, at papasok at lalabas, at makasusumpong ng pastulan ". 




Aral ni Cristo na upang ang tao ay maligtas ay dapat pumasok sa Kaniya. Ang pagpasok kay Cristo ay sa pamamagijan ng pagsangkap sa Kaniyang katawan :


1 Corinto 12:27
" Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawa't isa'y samasamang mga sangkap niya. "




Ang katawan na tinutukoy ay ang Iglesia:


Colosas 1:18
" At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia; na siya ang pasimula, ang panganay sa mga patay; upang sa lahat ng mga bagay, ay magkaroon siya ng kadakilaan. "



Ang pangalan ng Iglesia na katawan ni Cristo ay ang Iglesia Ni Cristo (Roma 16:16 New Pilipino Version). Samakatuwid, ang kinikilala ni Cristo na mga tunay na alagad Niya ay ang mga nasa Iglesia Ni Cristn sapagkat sila ang sumusunod sa aral ni Cristo tungkol sa dapat gawin ng tao upang maligtas.




UMIIBIG SA KAPATID




Papaano makikilala ang tunay na alagad ni Cristo? Ganito ang pahayag ng Panginoong Jesus :



Juan 13:34-35
" Isang bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y mangagibigan sa isa't isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa't isa.
Sa ganito'y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pagibig sa isa't isa. "





Ang umiibig sa kaniyang kapatid sa pananampalataya ang isa sa mga katangian ng kinikilala ni Cristn na Kaniyang tunay na Alagad. Samakatuwid, ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid sa pananampalataya ay hindi masasabing tunay na alagad ni Cristo o Cristiano.




MAGBUNGA NG KABANALAN AT GAWANG MABUTI



Ano pa ang hinahanap ni Jesus upang isang tao ay mapabilang sa Kaniyang mga tunay na alagad? Ganito ang aral na itinuro ng ating Tagapagligtas :



juan 15:8
" Sa ganito'y lumuluwalhati ang aking Ama, na kayo'y magsipagbunga ng marami; at gayon kayo'y magiging aking mga alagad. "




Kailangang ang tao ay magbunga ng marami upang kilalanin ni Cristo na siya'y kabilang sa Kaniyang tunay na mg alagad. Ang bunga na hinahanap ni Cristo ay ang bunga ng kabanalan at gawang mabuti :



Colosas 1:10
" Upang kayo'y magsilakad ng nararapat sa Panginoon, sa buong ikalulugod niya, at magsipamunga sa bawa't gawang mabuti, at magsilago sa kaalaman ng Dios "



Filipos 1:11
" Na mangapuspos ng bunga ng kabanalan, na ito'y sa pamamagitan ni Jesucristo, sa ikaluluwalhati at ikapupuri ng Dios."




Upang ang tao ay mapabilang sa mga kinikilalan alagad ni Jesus ay kailangang Siya'y magbunga ng gawang mabuti o kabanalan.




PAGLALAGOM



Kaya, hindi sapat na angkinin lamang ng isang tao na siya'y tunay na Cristiano at gayon na nga siya. May maliwanag na mga palatandaang mababasa sa Biblia upang makilala kung sino ang mga tunay na alagad ni Cristo. Maaari itong lagumin, gaya ng sumusunod:


  • Kinakailangang ang nangaral sa kaniya ng ebanghelyo ay may karapatan o sinugo ng Dios.
  • Dapat niyang sampalatayanan ang ebanghelyo na ipinangaral sa kaniya.
  • Kinakailangang siya ay nabautismuhan at napaloob sa Iglesia Ni Cristo.
  • Kinakailangang ibigin niya ang kaniyang mga kapatid sa pananampalataya.
  • Dapat siyang gumawa ng mabuti--ito ang pagsunod sa mga utos ng Diyos na siya ring pagbubunga ng kabanalan. 

No comments:

Post a Comment

BANAL NA HAPUNAN (INC) paano ba isasagawa ang pagbabanal na hapunan? Ang mga manunulugsa sa Iglesia Ni Cristo ay isa ito sa kanila...